Wazzup Pilipinas!?
Isang matinding dagok sa demokrasya ang patuloy na pag-iwas ng Senado sa pagtupad sa tungkulin nitong litisin ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang matapang at mapanindigang pahayag, iginiit ng BUNYOG (Pagkakaisa) Party ang kanilang mariing pagkadismaya sa Senado kaugnay ng umano’y deliberate na pagkabalam at kawalang-aksyon sa Articles of Impeachment na naihain pa noong Pebrero 5, 2025. Ayon sa grupo, apat na buwan na ang lumipas ngunit hindi pa rin ito inaksyunan ng Senado, na tila ba sinasadyang i-delay, i-dribble, at ipalusot ang usapin.
“Ngayon gusto pang i-remand pabalik sa Kamara?!” sigaw ng BUNYOG, sabay himutok sa tinatawag nilang isang “garapal at hayagang panloloko sa sambayanang Pilipino.”
Co-Equal ba Talaga?
Binira ng BUNYOG Party ang ideya na maaaring ibalik ng Senado sa Kamara ang impeachment complaint. Ayon sa kanila, hindi ito katanggap-tanggap at isang “unconstitutional” na hakbang. “Co-equal ang Senado at Kamara. Pero ang impeachment, eksklusibong kapangyarihan ng Kamara. Kapag naisampa na, tanging Senado lang ang puwedeng humawak at magdesisyon. Hindi ito dapat binabalik o ini-dismiss,” ayon pa sa pahayag.
Sa kabila ng malinaw na mandato ng Konstitusyon, tinutulan ng ilang mga senador – partikular sina Senador Bato dela Rosa at Alan Peter Cayetano – ang proseso, at sila pa umano ang nag-motion at nagdesisyon. “Paanong naging patas ang paglilitis kung mismong kampo ng ini-impeach ang gumagawa ng motion? Hindi sila mga huwes – sila ay bahagi ng defense team ni Sara,” giit ng grupo.
“Nag-abogado na, Huwes pa!”
Sa tono ng matinding pagkadismaya, binigyang-diin ng grupo na tila ginawa nang katawa-tawa ang proseso ng impeachment. “Hindi kailangang ibalik sa Kamara ang complaint dahil lang sa umano’y teknikalidad. Gawing bahagi ng paglilitis ang pagbusisi sa mga depekto, hindi gamitin ito bilang palusot upang takasan ang pananagutan.”
Idiniin din nila ang pagiging bias ng mga senador, anila’y nagsisilbing abogado na ni Sara Duterte. “Pinalulusot si Sara sa mga katiwaliang dapat sana nitong pinanagutan. Ang Senado, na dapat ay tagapagtanggol ng batas at hustisya, ay nagmistulang tagapagtanggol ng kapangyarihan.”
Walang Maaasahan, Maliban sa Mamamayan
Sa huli, hinikayat ng BUNYOG Party ang taumbayan na maging mapagbantay at huwag palampasin ang anila’y “kaduwagan ng Senado.” Wala raw ibang aasahan ang sambayanan kundi ang kanilang sariling lakas upang ipaglaban ang pananagutan at hustisya.
Binanggit pa nila ang dating pahayag ni dating Senate President Franklin Drilon: “Kapag pinaglalaruan ng mga Senador ang apoy, maghanda sila at baka sila ay masunog.”
Panawagan ng Katapangan
Habang patuloy na lumalakas ang panawagan para sa accountability, mariing paninindigan ng BUNYOG Party na hindi titigil ang kanilang laban. “Ito’y laban ng bayan, laban sa katiwalian, laban sa pagtataksil sa mandato ng taumbayan. At iyan ang mangyayari at nangyayari ngayon.”
Post a Comment