Wazzup Pilipinas!?
Itinanghal si Klara D. Espedido na KWF Mananaysay ng Taón 2025 pára sa kaniyang sanaysay na “Ang Metanaratibo ng Paglabag Bílang Saligang Paretyeya at Penahrang sa Preserbasyon ng mga Wikang Katutubo: Pahiwatig ng mga Alamat mulâ sa Bersiyong Saliling ng Bendingang Kepu’unpu’un” Makatatanggap siyá ng PHP30,000.00 at karangalang maging “Mananaysay ng Taón,” medalya, at plake.
Nagwagî din si Emersan D. Baldemor ng ikalawang gantimpala pára sa kaniyang sanaysay na “Amba, Di Ak Kalimdan: Panitikang Orál Bílang Daluyan ng Alaala, Laban, at Pagbabanyuhay ng Wika.” Makatatanggap siyá ng PHP20,000.00 at plake.
Hinirang naman si Precioso M. Dahe Jr. sa ikatlong gantimpala pára sa kaniyang sanaysay na “Sa Píling ng Pig-Aláran, Kuláman, at Ábyan, Sa bisyón ng mga Apù ng Piglamítan: Ang lagëng ng Kakahúyan, Míto, at ang Etnomusikolohíya ng Orál na Panitíkan laban sa Hámong Eremitísmo sa mga Katutúbong Wikà sa Pilipínas.” Makatatanggap siyá ng PHP15,000.00 at plake.
May karangalan naman sina Brian Harold M. Comeling para sa kaniyang sanaysay na “Hinabing Sálinlahì, Ílo ng Katutubò: Sosyal Midya at Teknolohiya Bílang Mákináng Habihán sa Kolaboratibong Preserbasyon at ang Panibagong Yugtong Oralidad ng Panitikang Katutubò sa Siglo ng Dihital” at Robert A. Andres para sa kaniyang sanaysay na “Ang Tínig na Hindi Nawawalâ: Panitikang Orál Bílang Dalúyan ng Pagpapasiglá ng mga Wíkang Katutubò.”
Ang Gawad KWF sa Sanaysay ay taunang gawad ng KWF para sa pinakamahusay na sanaysay hinggil sa mga pilî at napapanahong tema. Sa pamamagitan ng timpalak na ito, naitatanghal ang Filipino bílang wika ng saliksik.
Ang mga nagwagi ay gagawaran sa KWF Gabi ng Parangal sa 19 Agosto 2025. Hinihiling sa madla na sumubaysay sa KWF FB page hinggil sa lugar at iba pang detalye ng nasabing gawad.

Ross is known as the Pambansang Blogger ng Pilipinas - An Information and Communication Technology (ICT) Professional by profession and a Social Media Evangelist by heart.
Post a Comment