Wazzup Pilipinas!?
Kumukuha ng katutubong lakas ang tema ngayon ng Buwan ng Panitikan para itanghal ang kapangyarihan ng panitikan na pagkaisahin ang bayan. Hango ang “bekët” sa mga Agutaynë́n ng Palawan at nangangahulugan ito ng pagkakaisa at pagbibigkis.
Sa ganitong paraan, kinikilala ng “Bekët Panitikan” ang mahalagang ambag ng katutubong haraya sa pagbuo ng panitikang pambansa. Dahil ang bayan ay binubuo ng iba’t ibang pamayanan ng mambabasá’t manunulat na patuloy na yumayabong ang ugnayan. Itinatanghal din nito ang panitikan bilang mahalagang bigkis sa haraya, gunita, at intelektuwal na pag-unlad ng bayan.
Ang subtema
Mahalagang pinaglalaanan ng pokus ang pagkakaisa na itinataguyod ng panitikan. Sa pagdiriwang na ito binibigyang-pansin ang pangangailangan upang pagkaisahin ang lakas para sa katwiran at kalikasan. Ang katwiran, at ang pananaig nito sa bayan, ay noon at noon pa idinambana ng mga bayaning manunulat ng bayan para marating ang minimithing ginhawa at kalayaan. Mahalaga rin ang pagbibigkis para sa kalikasan upang maging maláy pa lalo ang mamamayan sa kanilang gampanin na pangalagaan ito. Dahil bahagi lamang sila nito at kailanma’y hindi makatataas sa kalikasan.
Bekët hindi?
Sa dulo, isang pang pamilyar na tanong ang aalingawngaw kapag binigkas ang katutubong pamana ng mga Agutaynë́n: Bakit hindi panitikan? Dahil nasa ikalawang dekada na ng implementasyon ang pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan mula nang ilabas ang Proklamasyon Blg. 968 noong 2015, patuloy ang panawagan para sa pagpapahalaga at patuloy na pagpapayaman pa ng tangkilik sa panitikan ng bansa. Dahil sa hulí, ang panitikang pambansa rin ang magpapakita ng ating malalim na ugnayan sa isa’t isa bilang kapuluan ng mga wika, bilang kapuluan ng mga tekstong patuloy na nabubuhay.

No comments:
Post a Comment