Wazzup Pilipinas!?
Pormal na nilagdaan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at University of the Assumption (UA) noong 15 Enero 2026 ang Memonradum ng Unawaan (MOU) para sa pagtatatag at pagpapalakas ng Sentro ng Wika at Kultura sa pamantasan. Layunin ng kasunduan na paigtingin ang pagtuturo, pananaliksik, at promosyon ng wikang Filipino at mga katutubong wika, pati na rin ang pangangalaga sa kulturang Pilipino sa Gitnang Luzon.
Binigyang-diin ni Atty. Marites A. Barrios-Taran, Tagapangulo ng KWF, sa pamamagitan ni Dr. Reggie O. Cruz, Komisyoner para sa Wikang Kapampangan, na ang MOU ay pangako ng pagtutulungan at pagpapalaganap ng wika. Ipinahayag naman ni Fr. Oliver G. Yalung, DL, PhD, Pangulo ng UA, at ni Prop. Roilingel P. Calilung, Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura, ang suporta at tiwala ng pamantasan sa kooperasyon.
Sa ilalim ng MOU, magsasagawa ang KWF at UA ng magkasanib na seminar, pagsasanay, kumperensiya, publikasyon, at iba pang akademiko at pangkulturang inisyatiba, at inaasahang magiging sentro ang UA ng saliksik sa wika, panitikan, at kultura ng rehiyon.
Dumalo rin si Dr. Carmelita C. Abdurahman, Komisyoner sa Programa at Proyekto ng KWF, at binigyang-diin ang kahalagahan ng patuloy na pagtutulungan ng pamahalaan at akademya para sa pagpapaunlad ng wikang Filipino at pagpapayabong ng kulturang Pilipino.



No comments:
Post a Comment