Wazzup Pilipinas!?
Pormal nang nilagdaan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Daraga Community College (DComC) ang Memorandum ng Unawaan (MOU) ngayong 24 Marso 2026, sa Bulwagang Romualdez, Komisyon sa Wikang Filipino.
Layunin ng makasaysayang kasunduan na paigtingin ang pagpapalaganap ng mga publikasyong pangwika at isulong ang intelektuwalisasyon ng wikang Filipino sa lalawigan ng Albay at sa buong Rehiyong Bikol.
Binigyang-diin ni Atty. Marites A. Barrios-Taran, Tagapangulo ng KWF, na ang kasunduang ito ay higit pa sa isang pormalidad sa papel. Aniya:
"Ang Memorandum ng Unawaan na ito ay hindi lamang pananatili sa mga pahina ng kasunduan, kundi agad nating isinasabuhay at ito ay magsisilbing tulay upang higit pang mapalaganap ang mga publikasyon ng KWF at mapalakas ang intelektuwalisasyon ng wikang Filipino sa bawat sulok ng ating bansa, partikular na sa mga komunidad na pinaglilingkuran ng DComC”.
Ayon naman kay Dr. Melvin M. Goyena, Pangalawang Pangulo para sa Gawaing Akademiko ng DComC, ang hakbang na ito ay nakaangkla sa mga pambansang polisiya gaya ng Batas Republika Blg. 7104 at mga kaukulang proklamasyon para sa pangangalaga ng wika at kultura. Pahayag ni Dr. Goyena:
"Sa kontekstong ito, aking kinikilala ang Sentro ng Wika at Kultura (SWK) bilang mahalagang daluyan ng interdisiplinaryong pananaliksik na tumutugon sa kaunlaran ng mga wika at diyalekto sa Rehiyong Bikol."
Ang nasabing programa ay pinangasiwaan ni Bb. Angelica Ellazar, Linguistics Specialist ng KWF, bilang Guro ng Palatuntunan.

No comments:
Post a Comment